DAVAO CITY – Ikinaalarma ng Department of Health XI ang mga kaso sa mga batang maagang nagdadalang-tao o teenage pregnancy sa probinsya ng Davao del Norte.
Base sa datos mula sa Provincial Health Office sa Davao del Norte mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, umabot ng 569 ang bilang ng mga batang nagbuntis nang maaga at naitala ang pinakabatang kaso na nasa siyam na taong gulang.
Pinakamarami ang naitala sa munisipalidad ng Kapalong na nasa 124, na sinundan ng Panabo City na nasa 91, Tagum City na nasa 83, Island Garden City of Samal 66, na sinundan naman ng mga munisipalidad ng Santo Tomas 61, Asuncion 36, Talaingod 31, Carmen 26, New Corella 25, San Isidro 16, at pinaka-kaunti naman ang naitalang bilang sa Dujali 10.
Kinakailangan na ngayon ang whole-of-nation approach sa pamamagitan ng Comprehensive Sexuality Education and Adolescent Reproductive Health (CSE-ARH) program.
Aminado ang otoridad na malaking hamon sa kanila ang pagpigil sa pag-akyat ng mga kaso ng teenage pregnancies, sexually transmitted diseases, at iba pang reproductive health issues sa mga kabataan.