Nakikita ng independent research group na OCTA magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong COVID-19 sa buong bansa bago pa man sumapit ang Marso.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, maaring bumaba sa 1,000 ang maitatalang bagong COVID-19 cases kada araw bago pa man matapos ang Pebrero.
Ito ay kung magtutuloy-tuloy ang downward trend na nakikita sa kasalukuyan sa kabila ng mga mass gatherings na nangyayari pa rin hanggang sa ngayon.
Kapag ganito ang magigign sitwasyon, sinabi ni David na pagsapit ng Marso 1 ay posibleng maipatupad na ang Alert Level 1.
Sa ngayon, marami nang mga lugar aniya ang nakitaan nang “very significant improvement” lalo na sa Calabarzon sa Central Luzon.
Karamihan kasi aniya sa mga lugar na ito ay low risk na sa COVID-19, at malapit na ring maging very low risk.
Pagdating naman sa mga kaso sa Visayas, sinabi ni David na ilan sa mga lugar ay moderate risk na.
Ganito rin aniya ang nakikita nila para naman sa mga lugar sa Mindanao.