Nakahanda ang Department of Labor and Employment(DOLE) na tumulong sa mga overseas Filipinos na maaaring maapektuhan sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Israel.
Ayon kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, may mga programa ang Labor department, kasama na ang mga tulong na maaaring ipamahagi sa mga Pinoy na nais umuwi dahil sa kaguluhan.
Ayon sa kalihim, nakahanda rin ang DOLE na tumulong sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration na silang pangunahing ahensiya na nakatutok para sa kapakanan ng mga Pinoy overseas workers.
Sa kasalukuyan, batay sa datus ng DOLE, mayroong humigit-kumulang 600,000 na bakanteng trabaho sa buong bansa na maaaring mapasukan ng mga OFW na uuwi sa bansa mula sa Israel.
Kabilang sa mga maaaring mapakinabangan ng mga OFWs ay ang reintegration program, livelihood programs, kasama na ang pag-facilitate ng mga trabaho para sa kanila.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng labor department sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para sa tulong na maaaring ibigay sa mga repatriated Filipinos.