-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Transportation (DOTr) na walang konkretong plano para sa pampublikong transportasyon ang pamahalaan ngayong balik lansangan na ang mga tao dahil sa mas maluwag na community quarantine measures sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Aminado si Transportation Sec. Arthur Tugade, na sa ngayon ay malaking kalbaryo talaga sa mga commuter ang limitadong operasyon ng mga sasakyan sa kalsada.

Pero indikasyon daw ito na kaakibat ng pagpapatupad ng mga plano ang ilan ding aberya.

“Mayroong plano. In fact ang nangyayari dito ngayon, for the first time nakikita niyo yung pagbabago ng landscape ng EDSA; ng bus augmentation. Marami pang mga plano, hindi totoo na wala.”

“Sa aming paglunsad at pagganap ng mga planong ‘to, naturalmente na mayroong mga taong nai-inconvenience.”

Itinanggi ng kalihim na sinasakripisyo ng gobyerno ang mga manggagawang balik trabaho para makaahon muli ang ekonomiya ng bansa.

“Lahat tayo dito sa panahon na ito ay may tama, inconvenience, moments of discomfort.”

Nilinaw ni Tugade na pansamantala lang ang kalbaryong dinaranas ngayon ng commuters dahil kapalit nito ang pangmatagalang kaginhawaan sa public transportation.

“Pakiusap ko lang ay magkapit bisig tayo at intindihin natin yung estado o sitwasyon.”