Ipinag-utos ngayon ni Department of Transportation (DoTr) Sec. Arthur Tugade sa Philippine Ports Authority (PPA) na palawigin pa ang pag-waive sa collection ng terminal fees sa mga government-operated seaports.
Ayon kay Tugade, layon daw nitong mapababa ang operation costs ng mga shipping companies dahil na rin sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi naman ni Tugade na ayon kay PPA general manager Jay Santiago ang waiver ng P500 terminal fee sa mga seaports ay nagtapos na.
Pero sinabi ni Tugade na makikiusap daw ito sa board na palawigin pa ng dalawa o tatlong buwan ang waiver para makatulong ang pamahalaan sa shipowners.
Sinabi ni Tugade na sa pamamagitan ng pag-waive sa P500 terminal fee ay mapapababa nito ang bayad ng shipping firms operations ng 20 percent.
Maliban sa waiving ng terminal fees, ipinanukala rin ng Transportation chief ang posibilidad na pagbibigay ng fuel subsidies sa maritime sector.
Kung maalala, ang DoTr sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nagbibigay sa ngayon ng fuel cash cards sa mga public utility vehicle drivers at operators na nagkakahalaga ng P6,500 para sa buwan ng Marso at karagdagang P6,500 para naman sa susunod na buwan.