Nominado si U.S. President Donald Trump para sa 2025 Nobel Peace Prize dahil sa umano’y mahahalagang papel nito sa pagbuo ng tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran matapos ang tinaguriang ”12-day war.”
Ayon sa ulat ng local news sa Amerika, si U.S. Representative Buddy Carter ang naghain ng nominasyon kay Trump, kung saan sa kanyang liham sa Nobel Committee, nabatid na pinuri ni Carter ang pamumuno ni Trump na aniya’y nakatulong upang mapigilan ang mas malawak na digmaan sa Middle East.
Magugunitang nagsimula ang tensyon kasunod ng pambo-bomba ng Israel sa nuclear facilities ng Iran, na sinundan ng mga araw ng palitan ng airstrike at pagsali ng Estados Unidos sa pagwasak ng tatlong nuclear facilities ng Iran, na agad namang tinugunan ng bansa sa pamamagitan ng pag-atake sa isang U.S. base military sa Qatar.
Dagdag pa ni Carter, naging susi umano si Trump sa mabilis na pagkakasundo ng dalawang panig. Nauna na ring nai-nominate si Trump ngayong taon ni Rep. Darrell Issa dahil sa epekto ng kanyang panalo noong 2024 presidential elections.
Wala namang pahayag ang Nobel Committee ukol sa nominasyon.