-- Advertisements --

Hiniling umano ni US President Donald Trump sa Japan na taasan nang apat na beses o nasa $8-bilyon ang taunang bayad sa mga American forces na naka-istasyon sa nasabing bansa.

Batay sa ulat, bahagi raw ito ng mga hakbang ng Washington upang i-pressure ang mga kaalyado nila na itaas ang kanilang defense spending.

Mapapaso ang kasalukuyang kasunduan, na saklaw ang 54,000 US troops na nakadestino sa Japan, pagsapit ng Marso 2021.

Ginawa umano ang hirit nang magtungo sa rehiyon noong Hulyo si John Bolton, na national security adviser ni Trump noong mga panahong iyon, at si Matt Pottinger, na dating Asia director for the National Security Council.

Pinabulaanan naman ito ng isang Japanese foreign ministry spokesman at iginiit na walang nangyaring negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay sa panibagong kasunduan.

Sa ulat sa Kyodo news agency, sinabi umano ng mga Japanese officials kay Bolton na “unrealistic” ang umento, at malaki na raw ang ibinabayad ng Japan sa stationing costs kung ihahambing sa ibang kaalyado ng Washington.

“The President has made clear that allies and partners should contribute more to their shared defense,” pahayag naman ng isang US State Department spokesman.

Dagdag pa ng US official, magsisimula raw ang mga negosasyon para i-renew ang agrement sa unang kalahati ng susunod na taon. (Reuters)