Hindi inaalis ng truckers association sa bansa ang posibilidad na pagsipa ng presyo ng mga produkto dahil sa nararanasang port congestion dito sa bansa kasabay na rin ng pagsapit ng araw ng Pasko.
Ayon sa Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP), sa ngayon ay bumabagal daw kas ang pagdidiskarga ng mga container mula sa mga barko at pagbiyahe ng mga kargamento dahil sa naranasang port congestion sa Maynila.
Sinabi ni Confederation of Truckers Association of the Philippines President Mary Zapata, maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto ang dagdag gastos sa logistics lalo ngayong nalalapit na ang Pasko.
Aniya, halos ang presyo ng mga produktong dumarating sa consumers ay dumaraan sa clearance, documents at ibang fees sa pagpo-proseso ng mga kargamento.
Idinagdag ni Zapata na sa katunayan ang Pilipinas ang may pinaka-mataas na logistics cost sa asya.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema sa mga pantalan, magdi-diskarga ang isang barko ng container vans upang i-imbak sa mga yarda at kukunin ang mga ito ng truckers upang ibyahe patungo sa destinasyon.
Napag-alaman na kailangan ding mabayad sa shipping line ng 1,000 pesos na “detention fee” sa empty container vans kada araw bukod pa sa 100,000 na ipinapataw ng shipping liners kumpara sa dating billing na 20,000 hanggang 30,000 pesos.