LEGAZPI CITY – Kaagad na naharang ng Task Force African Swine Fever ang isang truck na puno ng mga buhay na baboy na mula sa Bula, Camarines Sur.
Ayon kay Albay Provincial Veterinary Office chief Pancho Mella, sakay ng truck ang nasa 32 na baboy na dadalhin sana sa Barangay Kilicao, Daraga Albay.
Wala aniyang maipakita ang truck driver na shipment at animal health permits na galing sa Camarines Sur provincial veterinary kaya ipinababalik na lang ang baboy sa pinaggalingan nito.
Dagdag pa ni Mella, dadalhin sana sa isang hog trader sa bayan ng Daraga ang naturang mga baboy.
Samantala, ramdam na ng mga hog raisers ang pagkalugi sa kanilang mga negosyo matapos bumagsak sa 50% ang presyo ng mga buhay na baboy na mula sa dating P110 kada kilo ay hanggang P50 na lang ito dahil sa ASF.