CAUAYAN CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang truck driver upang ipanawagan ang kanyang nawawalang tricycle na tinangay umano ng may kapansanan sa pag-iisip.
Ayon kay Joan Daquioag, 46-anyos at residente ng Research Minante 1, Cauayan City, naiwan niya ang susi sa tricycle nang magtungo siya sa compound ng Heaven’s Garden para magbayad sa bibilhing lote na paghihimlayan sa namatay na anak nang tangayin ng pinaghihinalaan ang tricycle.
Aniya, nakita umano ng caretaker na tinangay ang tricycle kaya sinubukan nila itong habulin subalit hindi na nila naabutan dahil agad nitong nailabas sa compound ang tricycle at nagtungo sa hindi malamang direksyon.
Pinangangambahan niya ngayon na maaaring kunin ng iba ang kanyang tricycle kung basta na lamang iniwan ng suspek.
Dahil sa kagustuhang mabawi ang tricycle ay nakipag-ugnayan siya sa PNP Highway Patrol Group at hinanap ang tricycle hanggang sa Roxas at Aurora, Isbaela.
Panawagan ni Daquiaog sa mga posibleng makakita sa kulay asul na motoposh tricycle na may plakang QZZ-655, bagong gawa ang sidecar at may markang Daquioag Family na makipag-ugnayan lamang sa kanila.
Samantala, kumilos na rin ang Public Order and Safety Division (POSD) sa pangunguna ni POSD Chief Pilarito Mallillin.
Aniya, bagamat tukoy na kung sino ang tumangay sa tricycle ay nakalimutan umano ng pinaghihinalaan kung saan niya ito naiwan.
Nagkaroon ng koordinasyon ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station, Highway Patrol Group, POSD at maging ang mga tanod ng Brgy. Tagaran upang hanapin ang tricycle na pinaniniwalaang nasa malapit lamang.
Naipagbigay alam na rin ang insidente sa mga himpilan ng kalapit na bayan upang maibalik ang tricycle.
Nagpaalala siya sa mga motorista na tiyaking hindi naiiwan ang susi sa kanilang sasakyan para hindi masalisihan.