-- Advertisements --

Umaani ngayon ng kwestyon ang katapatan ni US President Donald Trump tungkol sa pakikisama nito sa European allies at Western military alliances ng Estados Unidos.

Kasunod ito ng naging desisyon ni Trump na bawasan pa ng 35,000 myembro ang US military troops na kasalukuyang tumutulong sa pagbabantay sa Germany.

Ayon dito, hindi na raw kakailanganin ng nasabing bansa na gumastos ng malaki para depensahan ang kanilang teritoryo. Naging pabaya rin umano ang Germany sa pagbabayad nito sa NATO.

“They’re paying 1 percent and they’re supposed to be at 2 percent,” wika ng Republican president.

Ang tinutukoy nito ay ang patakaran na ipinatupad ng NATO members kung saan kinakailangang magbayad ng halos 2% ng gross domestic product ng mga bansa na kasapi ng samahan.

Una nang nagpahayag ng kaniyang reklamo ang Republican president dahil sa hindi pantay na pagbabayad ng host nations para sa tropa-militar ng Amerika.

Sa ngayon ay patuloy ang pag-apela ni Trump na makuha ang loob ng mga botante para sa nalalapit ng US 2020 presidential elections sa Nobyembre subalit ang ginawa nitong hakbang ay nagdulot ng pagkabahala maging sa kaniyang sariling partido.

Nagpadala naman ng sulat sa White House ang 22 Republican members ng House Armed Services Committee kung saan nakasaad umano rito ang kanilang pagpo-protesta sa ginawang pagbabawas ni Trump ng tropa-militar sa Germany lalo na at nanatili pa rin ang banta ng Russia.