-- Advertisements --

Inuulan pa rin batikos mula sa hanay ng oposisyon ang mga kasong isinampa ng PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) laban kay Vice Pres. Leni Robredo kaugnay ng expose ni Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy.

Tinawag na walang kwenta ni Sen. Leila De Lima ang sedition case na inihain laban sa kanila ng mga kapwa akusadong sina Sen. Risa Hontiveros at mga dating senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV.

Inihalintulad pa nito sa basura ang kaso dahil tila hindi raw pinagaralang mabuti ng CIDG ang mga ebidensya at salaysay ni Advincula.

“Pure hogwash, pure hogwash yung mga kaso na naman ‘yan. Basura yun.”

“Hindi ko alam kung paano nag-imbestiga ang CIDG. They’re supposed to have subpoeana powers now, right? Wala man lang semblance of a decent and professional investigative work.”

Para naman kay Trillanes, malinaw na political persecution at harrasment ng Duterte administration ang kaso.

Pinuna rin nito ang pag-abuso umano ng pulisya sa kapangyarihan nito para sisihin lang ng basta ang oposisyon bilang nasa likod ng viral video series ni Bikoy.

“Sana lang ay mag-isip nang malalim at hindi magpagamit sa pulitika ang mga DOJ prosecutors na mag-iimbestiga nitong kasong ito.”

“Alam nila na wala silang hawak na ebidensya kundi ang salaysay ng isang testigo na ilang ulit nang nagsinungaling sa publiko, pero tinuloy pa rin ang pag-file ng kaso.”

Sa kabila nito handa daw si Trillanes na harapin ang mga kaso.

Pareho rin ang tugon ng kapwa akusadong si dating Otso Diretso candidate Erin Tanada.

“We will face the lies of Bikoy with truth and evidence.”

Una ng umalma ang kampo ni Robredo at sinabing walang basehan ang paratang laban sa bise presidente.

“But if this is purely based on the outrageous statement previously given by Mr. Advincula, we can confidently say this is completely baseless and nothing more than plain and simple harassment,” ani Atty. Barry Gutierrez, abogado ni Robredo.

“Kwentong kutsero na pinilit gawing batayan sa kaso,” dagdag pa nito.

Ito rin ang naging sagot ng iba pang kinasuhan gaya ni Atty. Chel Diokno, at opposition senator Kiko Pangilinan.

“Sinampahan daw kami ng kasong sedisyon. Luto ito. Sabik na sabik ata ang administrasyon na ikulong kami, kahit walang basehan o ebidensiya,” ani Diokno.

” Ginagawa ito ng mga kalaban ng demokrasya dahil si VP na lang ang nakaharang sa kanilang hangarin na ituloy ang patayan sa huwad na war on drugs nang walang nananagot, ang pagbenta ng Pilipinas sa China, at ang panghabambuhay na paghahari-harian nila sa bansa,” ayon naman kay Pangilinan.