Patay ang isang 28-anyos na lalaki matapos itong barilin ng isang pulis habang hostage ang isang 6-taong-gulang na batang babae sa Barangay Sabala Manao Proper, Marawi City, nitong Linggo ng madaling araw, Disyembre 21, 2025.
Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinasok ng suspek ang bahay ng biktima, at dito pinilit na kunin ang bata, at tinutukan ng kutsilyo sa leeg.
Agad na rumesponde si Police Senior Master Sergeant Sohair Solaiman, na nagjogging sa lugar, at sinubukang makipagnegosasyon upang pakawalan ang bata.
Naging agresibo ang suspek nang dumating ang karagdagang pulis mula sa Marawi City Police Station at sinimulang saktan ang bata. Dahil dito, pinaputukan na siya ng mga awtoridad.
Tinamaan ang suspek sa kaliwang pisngi at katawan at hindi na nakaligtas sa ospital.
Ang batang babae ay nagtamo rin ng sugat sa mukha at braso at dinala sa Amai Pakpak Medical Center para sa sa kaukulang lunas.
Ligtas na sa ngayon ang batang na hostage.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, dahil ayon sa mga residente, hindi nila ito nakikilala.










