-- Advertisements --
images

Itinakda na ng korte ang trial proper sa kinahaharap na kasong cyber libel ni Rappler CEO na si Maria Ressa sa Hulyo 23.

Ito ay kasunod na rin ng pagdalo kanina ni Ressa at kanyang counsel na si Atty. Theodore Te sa pre-trial sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 at sa sala n Judge Rainelxa Estacio-Montesa.

Kapwa akusado sa cyber libel case si Ressa at ang writer nitong si Reynaldo Santos Jr.

Pero sinabi ni Atty. Te na walang napagkasunduan ang panig ng prosekusyon at ng depensa sa mediation meeting para sana maayos ang civil liability sa kaso.

Dahil dito, balik sila sa trial court kung saan tuloy ang pagdinig sa kaso.

Nag-ugat ang kaso ni Ressa sa isang artikulo ng Rappler noong 2012 na nagsasabing ipinagamit ng negosyanteng si Wilfredo Keng ang kanyang sasakyan kay dating Chief Justice Renato Corona noong panahon ng impeachment hearings laban dito.

Ayon sa nasabing artikulo ng Rappler, under surveillance din si Keng ng National Security Council dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa human trafficking at drug smuggling na mariin namang itinanggi ng kampo ng negosyante.

Sa ngayon dahil walong kinahaharap na mga kaso, aabot na raw sa P700,000 ang nailagak nilang piyansa.

Para kay Ressa malinaw raw na bahagi ito ng patuloy na panggigipit sa kanila ng pamahalaan.