Aminado ang Bureau of Immigration (BI) na nahihirapan silang ipatupad ang travel ban sa mga inbound passengers mula South Korea papasok ng Pilipinas kaugnay ng COVID-19 scare.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, hindi agad matukoy ng kanilang mga personnel kung galing sa North Gyeongsang province ang mga pumapasok ngayon na travelers sa Pilipinas mula sa nasabing bansa.
Ito’y dahil tanging stamp ng pinanggalingang bansa lang daw ang nakalagay sa pasaporte ng nadating na mga pasahero sa paliparan.
Hindi naman daw nila agad nalalaman kung nagtungo sa mga ipinagbawal na lugar sa South Korea ang mga nadating dito sa bansa.
Batay sa anunsyo kahapon ng Inter-Agency Task Force, mga travelers o pasahero mula sa nasabing probinsya ng South Korea, kasama na ang mga manggagaling sa Daegu City at Cheongdo county ang hindi maaaring pumasok ng Pilipinas.
Sa ngayon ipinatutupad na raw ng BI ang travel ban sa outbound passengers o yung mga papunta ng South Korea.