-- Advertisements --

Nagbabala ang mga driver at operator na naghahanda ito para sa isang mas malaking transport strike habang inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang Disyembre 31 na deadline ng consolidation para sa public utility vehicle modernization program ay non-negotiable.

Sinabi ni Transport group Manibela president Mar Valbuena na posible ang joint transport strike sa isa pang transport group, ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide.

Aniya, posible ang joint transport strike dahil nagpahayag na nais sumali ang ibang transport groups hindi lang ang PISTON.

Pinuna rin niya ang posisyon ni Bautista na huwag palawigin ang deadline sa Disyembre 31 para sa mga public utility jeepney (PUJs).

Dapat din aniyang tanungin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasahero sa epekto ng phaseout sa mga commuters.

Aniya, binanggit din ng mga miyembro ng Manibela na plano nilang pumunta sa kani-kanilang probinsya at itigil na ang pamamasada sa gitna ng stress na kanilang naranasan dahil sa usapin ng modernization.

Giit ni Valbuena, kinukumbinsi pa rin niya ang mga miyembro ng Manibela na huwag ituloy ang planong pagpapahinto ng kanilang jeepney operation.