Humihirit ang transport group na Pasang Masda ng dagdag na pasahe ng piso hanggang dalawang piso para sa minimum fare sa public utility jeepneys (PUJ) sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong langis.
Ito ay sa kabila na noong nakaraang linggo ay inaprubahan lamang ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pisong dagdag sa pamasahe sa mga jeepney sa Metro Manila, Region 3, at Region 4.
Gayunman ayon sa transport group hindi sasapat ang pisong nadagdag sa minimum na pasahe.
Pakiusap pa nila, pwede naman daw ibaba muli nila ito sa siyam na piso kung magkakaroon naman ng rollback.
Una rito ang LTFRB ay nagtakda ng panibagong pagdinig sa mga susunod na araw kaugnay sa naunang petisyon ng iba pang transport group para sa hiling na dagdag na P5 pamasahe.
Pero nilinaw ng grupong Pasang Masda, kahit daw dalawang piso na dagdag pa sa minimum fare ay pupuwede na rin.
Samantala, liban sa mga PUJs ang mga operators ng provincial at city buses sa Metro Manila ay nagbabalak na ring maghain ng petisyon na taasan din ang minimum fares sa kanilang sektor.
Ang Provincial Buses Association of the Philippines (PBOAP) ay sinasabing hihilingin nila sa susunod na linggo ang dagdag na P0.50 cents per liter na pasahe o kaya P50 kada 100 kilometers.