-- Advertisements --

Iaapela ng grupo ng transportasyon ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa kanilang petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sinabi ni Bayyo Drivers and Operators Association (Bayyo) President Anselm Perweg na hindi pa tapos ang kanilang laban kasunod na rin ng pagkakatanggap nila sa naging desisyon ng High Tribunal.

Aniya, dismayado sila sa naging desisyon ng kataas-taasang hukuman na nagpapawalang bisa sa kanilang petisyon.

Sa kopiya ng desisyon ng korte na ibinahagi ng legal counsel ng grupong Bayyo na si Atty. Sonny Matula, inihayag ng Korte Suprema na nabigo umano ang grupo na magpresenta ng sapat na ebidensiya sa kanilang petisyon para tutulan ang pagpapatupad ng PUVMP.

Sa kabila nito, maghahain ang gurpo ng motion for reconsideration at humiling ng leniency sa korte para sa locus standi o karapatan na marinig ang kanilang panig.