Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ang transparency at inclusivity sa pagbili ng mga makina na kailangan para sa 2025 midterm elections.
Inilabas ng poll body ang pahayag matapos lumabas ang ulat tungkol sa pagsasampa ng money laundering charges ng United States Homeland Security Investigations laban kay dating Comelec chief Juan Andres Bautista.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, titiyakin niya na ang lahat ay magkakaroon ng pantay-pantay na ‘level-playing field’.
Sinabi niya na isisiwalat ng poll body ang lahat ng kanilang mga proseso para sa pagsisiyasat ng publiko.
Ang reklamo laban sa dating Comelec chair ay nag-ugat sa kanyang estranged wife na si Patricia Paz, na nagsabing ang “unexplained wealth” ni Bautista ay may kinalaman sa umano’y kaduda-dudang pakikitungo niya sa isang poll technology firm.
Inilarawan ni Garcia ang sitwasyon bilang isang “eye-opener” na nangangailangan ng patuloy na pagmamasid sa pag-unlad.
Una nang itinanggi ni dating COMELEC Chair Juan Andres Bautista ang alegasyon na tumanggap umano ito ng bribe money na may kinalaman sa Smartmatic.