VIGAN CITY – Inaasahang muling papasyal sa Ilocos Sur si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat bukas, November 19.
Ito ay para sa paglulunsad ng expanded travel corridor kasunod ng pagbubukas ng turismo sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Provincial Tourism Officer Ryan Astom, suportado umano ni Puyat ang turismo ng Ilocos Sur mula pa noong nailunsad ang Ridge and Reef Travel Corridor sa buong Region 1.
Dahil dito kaya 100 percent aniya ang naging rating ng kalihim sa muling pagbubukas ng turismo noong November 15 dahil sa mga panuntunang binuo ng Ilocos Sur provincial government.
Gayunman, ipinaalala ng provincial tourism officer sa publiko na 50 tourist per day muna sa ngayon ang pinahihintulutang makapasok sa lalawigan.
Ito’y habang inoobserba pa ang magiging resulta nito bago posibleng dagdagan.
Ayon pa sa opisyal, marami turista mula Metro Manila at CALABARZON partikular na sa Cavite at Batangas ang kanilang iprinoprosesong makarating sa lalawigan.