-- Advertisements --

Naglabas ng joint statement ang ilang matataas na government security mula Cybersecurity and Infrastructure Security Agency at election officials na naglalarawan bilang “most secure election in American history” ang katatapos lamang na US presidential elections.

Sa naturang pahayag, nilinaw ng mga ito na walang ebidensyang magpapatunay na nagkaroon ng iregularidad o dayaan sa voting system ng Amerika.

Ito ay kahit pa kaliwa’t kanan pa rin ang mga pasaring ng kampo ni US President Donald Trump na ninakawan umano siya ng boto ni presumptive President Joe Biden.

Inilatag din nito ang mga hakbang na ginawa ng mga election officials mula sa iba’t ibang estado ng US para lamang siguraduhin na mahigpit ang kanilang ipinatupad na seguridad sa mga balota.

Inilabas ang joint statement na ito matapos magbitiw sa pwesto kahapon si Bryan Ware, assistant director ng cybersecurity sa Cybersecurity and Infrastructure Agency (CISA).

Magugunita na nagalit si Trump kay Ware at ilan pang senior officials ng CISA dahil tila hindi raw nila sinusuportahan ang mga alegasyon ng Republican president na dinaya ang mga mail-in ballots.

Ikinatakot din umano ng mga ito na inilagay sa listahan ng mga administration officials na posibleng sibakin sa pwesto matapos ang halalan.

Kasama raw sa nasabing listahan sina FBI Director Christopher Wray at C.I.S.A Director Christopher Krebs.