Isang doktor na naman ang namatay dahil sa infection ng COVID-19.

Kinumpirma ng Philippine Heart Association ang pagpanaw nitong madaling araw ni Dr. Raul Diaz Jara, na dating presidente ng organisasyon.

Inilarawan ng PHA si Dr. Jara bilang isa sa mga magagaling na doktor sa Cardiology.

Mabait din daw ito na ama at guro na laging nagbibigay ng mga payo at kaalaman.

Nagpasalamat naman ang pamilya ni Jara sa mga staff, nurses at doktor ng Philippine Heart Center na nakasama at nag-alaga sa kanilang pumanaw na padre de pamilya.

Sinabi ng Philippine Medical Association na apat na doktor na sa bansa ang namatay dahil sa coronavirus disease.

Lahat daw sila ay binawian ng buhay dahil sa exposure sa mga kaso ng COVID-19.

Ayon naman sa DOH, patuloy pa nilang kinakalap ang mga datos kaugnay sa bilang ng medical frontliners na namatay at tinamaan na rin ng sakit.

Ilang ospital sa Metro Manila ang nagpa-quarantine sa kanilang health workers dahil sa exposure sa virus.

Nangako naman ang Health department na bibigyan nila ng persona protective equipment ang mga ospital na kulang na ngayon ng stock ng PPEs.