Top 4 ng September 2023 Licensure Examination for Professional Teachers, nagbigay ng payo na huwag kopyahin ang anumang istilo ng mga topnotchers o reviewer at magkaroon ng sariling bersyon; Cebuana, inaming wala pa sanang planong kumuha ng board exam
Inamin ng Cebuanang si Franceska Therese Fanilag, ang Top 4 ng September 2023 Licensure Examination for Professional Teachers na wala pa sana itong planong kumuha ng board exam ngayong taon.
Si Fanilag na nagtapos sa University of San Jose Recoletos bilang magna Cum Laude ay nakakuha ng 93.80% na rating sa inilabas na resulta ng licensure examination.
Ibinahagi pa nito na nag-aalangan siyang kumuha ng board exam kung saan sa katunayan pa ay nagdesisyon lang itong mag-enrol sa isang review center apat na buwan bago ang eksaminasyon at marami na siyang dapat na hahabulin.
Gayunpaman, sabik at panalangin pa rin umano ni nitong makapasok man lang sa Top 10 para sa kanyang mga guro dahil ang mga ito pa ang nagbigay sa kanya ng gabay at de-kalidad na edukasyon.
Ibinahagi pa ng dalaga na hangad niyang maging isang guro na nagbibigay inspirasyon.
Payo naman nito sa mga naghahangad na kumuha ng board exam na huwag kopyahin ang mga estilo ng mga topnotchers at sa halip ay magkaroon ng sariling bersyon dahil tayo naman umano ang mas nakakakilala sa ating sarili.
Dagdag pa niya, piliin kung ano ang prayoridad, pagtuunan ng pansin, magsakripisyo at makipagsapalaran.