-- Advertisements --

Nagkasundo si Department of Ariculture (DA) Secretary Francisco Laurel Jr. kasama ang mga gobernador ng 10 pangunahing rice-producing provinces sa bansa para maibaba ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagpapataas ng produksiyon.

Sinabi ng DA na ang 10 probinsiya ay binubuo ng 48% ng kabuuang produksiyon ng bigas sa bansa kabilang dito ang Nueva Ecija, Isabela, Maguindanao del Sur, Pangasinan, Cagayan, Bukidnon, Tarlac, Camarines Sur, North Cotabato, at Iloilo.

Ayon naman sa mga gobernador, isang magandang unang hakbang ang naturang consultative meeting tungo sa sama-samang pagsisikap para mapataas ang produksiyon ng bigas.

Nangako din ang kalihim na makipagkita sa mga grupo sa sektor ng agrikultura bilang parte ng layunin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pagsasamoderno sa agrikultura para matiyak ang seguridad sa pagkain, gayundin masigurong nasa tamang presyo ang farm products at maiahon mula sa kahirapan ang mga magsasaka at mangingisda.

Ikinalugod naman ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali ang pagsisikap ng DA chief na makipagpulong sa stakeholders.

Ang Nueva Ecija ang probinsiya ang pinakamalaking producer ng bigas na katumbas ng 9% ng national production.

Sinabi din ng local executive na ito ang kauna-unahang pagkkataon na nabigyan ng oportunidad ang mga lokal na pamahalaan na tugunan ang mga hinaing ng kani-kanilang probinsiya at naniniwalang ang ganiton uri ng liderato na sinisimulan ni Laurel ay magbebenepisyo hindi lamang sa kanilang probinsiya kundi maging sa food security sa bansa.