CEBU CITY – Malaki ang paniniwala ng tiyuhin ng Cebuana Chinita Princess Kim Chiu na isang ‘mistaken identity’ ang nangyaring pananambang sa sinakyang van ng kanyang pamangkin.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Robert Chiu, sinabi nitong posibleng napagkamalan lang ang kanyang pamangkin dahil sa van nitong parang sasakyan din umano ng mga pulitiko.

Ayon kay Chiu na wala naman itong maisip na naging kaaway ni Kim dahil mabait naman ito at masayahing tao.

Gayunman, inamin nitong wala na silang ganoong impormasyon tungkol sa aktres dahil matagal na itong naninirahan sa Quezon City at isang beses na lang sa isang taon itong nakakapunta dito sa Cebu.

Panawagan na lang sa tiyuhin ng aktres na bilisan ng pulisya ang imbestigasyon upang makilala na ang mga salarin at malaman ang motibo ng mga ito.