-- Advertisements --
William Dar 1
IMAGE | Department of Agriculture Sec. William Dar/Screengrab

Sinimulan na ng Quezon City Veterinary Department ang pagkuha ng blood samples sa ilang agang baboy sa Brgy. Babong Silangan matapos mabatid na ilan sa mga ito ang nagkasakit.

Batay sa ulat, sinunog na ng tanggapan ang bangkay ng apat na patay na baboy na natagpuang palutang-lutang sa creek ng barangay nitong nakalipas na linggo.

Nakuhanan na rin daw ang mga ito ng blood samples ng Bureau of Animal Industry para malaman ang sanhi ng pagkamatay.

Ikinadismaya naman ni Agriculture Sec. William Dar ang ulat dahil mismong hog raisers pa raw ang tila nagkakalat ng sakit sa mga alagang baboy.

“Ang problema sa mga initial affected areas, sila ‘yung nagkakalat ngayon. Makicooperate po tayo. We are spreading the virus and this is what is happening now, dumping of pigs,” ani Dar.

“I am worried as anyone else. Ang problema yung mga nagtago ng mga baboy dati sa affected areas, sila ngayon ang nagkakalat ng virus ngayon and they are dumping their pigs in the river.”

Bukod sa Quezon City, 40 patay na baboy din ang natagpuan sa Marikina na agad inilibing matapos makuhanan ng blood samples.

Pero sa huling tala ng Marikina City Veterinary Office, halos 60 na patay na baboy na kanilang natagpuan sa ilog.

Naniniwala ang veterinary heads ng dalawang siyudad na itinapon lang sa kanilang lugar ang mga patay na baboy.

Pareho rin ang sentimyento ni Sec. Dar dahil ilang babuyan sa Rizal ang unang tinamaan ng African swine fever.

Nitong araw nang ianunsyo ng DA ang pamamahagi ng P60-milyon na ayuda para sa mga naapektuhang nag-aalaga ng baboy.