Liban sa pagiging guilty sa pagbitbit nang sobra-sobrang dami ng foreign currency sa biyahe noong taong 2008 patungong Russia, si dating Philippine National Police (PNP) chief comptroller Gen. Eliseo dela Paz ay pinagmumulta rin ng P200,000 ng Sandiganbayan.
Sa ibinabang promulgasyon ng anti-graft court Fourth Division, tinukoy si Dela Paz na guilty sa paglabag sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular No. 507 ukol sa New Central Bank Act kaya pinagmumulta ito ng P200,000.
Nag-ugat ang kaso nang maharang si Dela Paz at ang kanyang misis na Maria Fe ng mga otoridad sa Sheremetyevo International Airport sa Moscow na may bitbit ang 105,000 euros (P6.9 million) in cash.
Sinasabing sobra na ito sa limitasyon na $10,000 (o halos P500,000) na maaari lamang ilabas sa bansa.
Liban nito, si Dela Paz din ay nagdala ng pera hindi lamang bilang gastusin sa kanyang travel expenses kundi para rin sa walo pang mga top police officers, na noon ay binansagang mga “euro generals” na dadalo lang sana sa 77th International Police (Interpol) general assembly sa St. Petersburg, Russia noong 2008.