MANILA – Araw-araw nang ire-report ng Department of Health (DOH) ang bilang ng mga gumaling sa COVID-19 na dumaan sa proseso ng “time-based tagging.”

Ito ang sinabi ng ahensya matapos nilang magtala ng higit 10,000 bagong recoveries simula noong Lunes.

“Kapag tiningnan natin for the longest time since we’ve started this time-based tagging of recoveries, nakita natin na every Sunday lang natin naibibigay yung malaking porsyento ng mga gumaling,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Base sa pag-analyze namin, tiningnan namin yung epekto nito, parang na-skew yung numbers natin dahil this is one time uploading every seven days.”

Dagdag pa ng opisyal, mismong si Sec. Francisco Duque III na rin ang nag-utos na gawing araw-araw ang pag-uulat ng time-based recoveries.

“Ngayon bakit ang laki pa rin? Basically dahil tumataas ang kaso and most of the cases are mild and asymptomatic, maraming makaka-recover.”

Noong nakaraang taon nang ilunsad ng DOH ang “Oplan Recovery.”

Sa prosesong ito vina-validate ng ahensya ang datos ng mga reporting units, tulad ng ospital at local governments na kinakarga sa database system gaya ng COVIDKaya at COVID-19 Data Repository System.

Inamin ni Vergeire na may ilang laboratoryo pa rin ang hindi nakakapag-submit ng report, lalo na kapag araw ng Linggo dahil sa disinfection at maintenance.

“If for example, its a Sunday, it takes for us 48 hours, (may) 24 hours na nililinis namin ang mga resulta. So halimbawa yung Linggo na nakuha namin ng alas-12:00 ng hatinggabi, pag-aaralan ng hanggang Lunes ng alas-12:00 ng hatinggabi, kaya lalabas ng Tuesday ng kinabukasan.”

“So kapag di ka nag-operate ng laboratoryo ngayong araw at di ka nakapag-submit, yung dapat na datos na inilalabas mo araw-araw, hindi lalabas ng Martes.”

Sa huling tala ng DOH, tinatayang 21,664 ang bagong gumaling sa COVID-19. Umakyat na ang total recoveries sa 809,959.

Ang total infections o tinamaan naman ng sakit ay 953,106 na.