-- Advertisements --

Nagsimula ngayong araw, Marso 23, ang tigil-pasada sa Cotabato City bilang protesta ng ilang transport group. Batay sa inisyal na impormasyon, tatagal ang tigil-pasada mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon at magpapatuloy hanggang Marso 25, 2026.

Sa panayam kay Khaddafy Macapendeg, Barangay Kagawad ng RH 8 at Chairperson ng Notre Dame Village Operators Transport Cooperative, sinabi niyang layunin ng kanilang kilos-protesta na mapansin ng pamahalaan ang hinaing ng mga transport operators.

Aniya, matagal nang binabalewala ng lokal na pamahalaan ang kanilang sektor at hanggang ngayon ay wala pa ring naibibigay na ayuda.

Kasabay ng tigil-pasada, inihirit din ng grupo ang P5 dagdag-pasahe bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa kabila ng abala, naglaan ang PNP ng ilang patrol car para sa libreng sakay upang hindi tuluyang maapektuhan ang mga pasahero.

Ang sitwasyong ito ay inaasahang magdudulot ng malaking epekto sa transportasyon sa Cotabato City sa mga susunod na araw habang patuloy na nananawagan ang mga operator ng agarang aksyon mula sa pamahalaan.