-- Advertisements --

Muling inakusahan ng militar ng Thailand ang Cambodia ng paglabag sa kasunduan ng tigil-putukan, makalipas lamang ang dalawang araw mula nang magkabisa ang ceasefire agreement na naabot sa pamamagitan ng Malaysia. Ayon sa Thailand, nagkaroon ng insidente ng putukan sa tatlong lugar sa hangganan ng dalawang bansa nitong Miyerkules.

Nagbabala ang Thailand na kung magpapatuloy ang agresyon, maaari silang tumugon nang mas matindi.

Ang tigil-putukan ay resulta ng limang araw ng sagupaan na pumatay sa higit 43 katao at nagpa-evacuate ng mahigit 300,000 sibilyan sa magkabilang panig. Ito ay naabot sa tulong ng Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim at US President Donald Trump, na nagbanta na hindi uusad ang negosasyong pangkalakalan ng US sa Thailand at Cambodia kung magpapatuloy ang labanan.

Ayon kay Major-General Winthai Suvaree, tagapagsalita ng Thai Army, gumamit umano ng small arms at grenade launchers ang mga tropang Cambodian sa Sisaket province, dahilan upang gumanti ang puwersa ng Thailand bilang depensa sa sarili.

Mariing itinanggi naman ng Cambodia ang paratang at nanindigan na ito ay mapanlinlang at makasisira sa tiwala sa pagitan ng dalawang bansa.

Bagaman wala pang naiulat na paggamit ng heavy artillery matapos ang ceasefire, wala rin namang ulat ng pag-urong ng mga tropa mula sa magkabilang panig. Inaasahang magpupulong ang mga defense ministers ng Thailand at Cambodia sa Agosto 4 sa Phnom Penh upang subukang patatagin ang kasunduan. (report by Bombo Jai)