-- Advertisements --

Sang-ayon ang Nationalist People’s Coalition (NPC) sa mga panawagan na dapat masunod ang term-sharing agreement sa pagitan nina incumbent Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ayon sa head ng contingent ng political party sa Kamara.

Binigyan diin ni Rizal Rep. Michael John Duavit ang kahalagahan ng “trust and confidence” kaya iginiit na dapat masunod ang term-sharing agreement.

Ayon kay Duavit, 40 ang miyembro ng NPC sa Kamara sa ngayon matapos na pumanaw sina Sorsogon Rep. Ma. Bernardita Ramos at Camarines Sur Rep. Marissa Andaya.

Gayunman, nagpahayag ng kanyang pagkadismaya si Duavit sa pagkakatanggal kay Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, miyembro ng NPC, bilang chairman ng House Committee on Health.

Naniniwala si Duavit na walang ibang rason sa pagkakatanggal kay Tan bilang chairman ng naturang komite kundi purong politika lamang.

Samantala, nakiisa naman aniya ang buong NPC sa panawagan para sa resumption ng session para talakayin ang proposed 2021 budget.