-- Advertisements --

Uminit ang tensyon sa Jakarta matapos masawi si Affan Kurniawan, isang ride-sharing motorcycle driver, nang masagasaan ng armored police vehicle sa gitna ng kaguluhan malapit sa parliament noong Huwebes, Agosto 28.

Hindi umano kasali sa protesta si Kurniawan, ayon sa samahan ng mga motorcycle driver. Ang insidente ay naganap habang pinapaalis ng pulisya ang mga nagpoprotestang estudyante tungkol sa isyu ng sahod ng mga mambabatas at pondo sa edukasyon.

Dahil dito, nanawagan ang mga estudyante ng kilos-protesta ngayong Biyernes, Agosto 29, sa harap ng punong himpilan ng pulisya.

Maraming paaralan ang napaagang nag-dismiss at pinayuhan ang mga empleyado sa business district na magtrabaho na lang mula sa kanilang bahay. Ipinakita rin sa telebisyon ang pagde-deploy ng militar sa ilang lugar.

Sa isang pahayag, nagpahayag si Pangulong Prabowo Subianto ng pagkabigla at pakikiramay, at iniutos ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Ayon sa pulisya, pitong tauhan ng armored vehicle ang inaresto at kasalukuyang iniimbestigahan.

Samantala, umalma naman ang mga kapwa rider ni Kurniawan at nagdaos ng protesta noong gabi ng Huwebes.