-- Advertisements --

Itinuturing ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) bilang abuso para sa mga guro kung babawasaqn ang kanilang “much-needed” na break sa trabaho sa pamamagitan nang pagbubukas ng pasok bago sumapit ang Setyembre 13.

Ayon kay ACT secretary general Raymond Basilio, sobra-sobra na nga kung ituring ang 13 magkakasunod na buwan na trabaho ng mga guro sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Hindi rin kasi aniya nakatanggap ang mga guro na ito ng leave credits, kaya naman ang 80 days proportional vacation pay sa isang school year ay dapat ding ibigay para sa kanila.

Nabatid na Hunyo 2020 nang magsimulang maghanda ang mga guro sa pampublikong paaralan, at nakatakdang matapos sa katapusan ng fourth grading period sa Hulyo 10.

Ito ay tatlong buwan na mas mahaba kumpara sa 10 buwan na kanilang ginugugol sa isang regular school year.

Sinabi ni Basillo na kailangan i-recompense ng DepEd ang mga guro para sa 77 araw na overtime work dahil sa extended school year.

Nauna nang sinabi ng kagawaran na ang desisyon sa kung kailan magbubukas ang pasukan ay nakadipende kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ahensya, magbibigay sila ng samu’t saring pagpipilian kay Pangulong Duterte, kabilang na ang plano nilang buksan ang pasukan sa Agosto 23.