-- Advertisements --

Mismong alkalde ng Taytay, Rizal ang nagkumpirma sa kanyang mga kababayan na siya ay nag-test positive sa coronavirus disease (COVID-19).

“Noong Martes ng umaga, nakaramdam po ako ng pangangati ng lalamunan, at nakaramdam ng ginaw at nakaexperience ng sinat o tinatawag na slight fever. Agad po ako kumonsulta sa family doctor,” ani Mayor Joric Gacula sa isang Facebook post.

Ayon sa alkalde, noong araw din ng Martes ay nagpasailalim agad siya sa testing at nitong araw, March 29, niya natanggap ang resulta.

Nilinaw ni Gacula na “mild case” ang kanyang COVID-19.

Sa ngayon pinayuhan na raw siya ng doktor na mag-self quarantine, kasabay ng pag-inom sa niresetang gamot.

Tiniyaka naman ng alkalde na sa kabila ng nangyari ay magpapatuloy pa rin ang relief operations ng lokal na pamahalaan.

Kasabay nito ay hinimok ni Mayor Gacula ang mga residente na sundin ang payo ng pamahalaan sa community quarantine at social distancing.

“Napakaingat ko po, pero dito makikita na walang pinipili ang COVID-19. Walang pinipili ang sakit na ito.”

Si Gacula ang ikalawang opisyal mula sa Rizal na nag-test positive sa pandemic virus, matapos ma-infect din ang kanilang Gov. Rebecca Ynares.