BAGUIO CITY – Patay ang isang taxi driver matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Kias, Baguio City, kagabi.

Nakilala itong si Johnherr Danang Omli, 50-anyos naresidente ng Kias, Baguio City.

Ayon sa pulisya, minamaneho ng testigong si Julius Wakit ang kanyang pampasaherong jeep sa Aguinaldo Drive ng Barangay Kias nang makita niya ang mabagal na pagtakbo ng taxi ng biktima patungo sa sentro ng lungsod.

Nagdesisyon ang testigo na i-overtake ang taxi ng biktima ngunit napansin nito ang biktimang walang malay, nakayuko at nakahilig pakanan, habang patuloy ang mabagal na pag-usad ng taxi.

Nakita pa ni Wakit na naliligo ng sariling dugo ang biktima kaya agad niyang itinabi ang kanyang jeep para tulungan ang biktima.

Pinalitan ni Wakit ang biktima sa manibela at dinala niya ito sa Baguio General Hospital and Medical Center.

Gayunman, tuluyang pumanaw ang biktima habang ginagamot ito kung saan nagtamo siya ng isang tama ng bala ng baril sa dibdib at sa kanang braso.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para sa pagkilala sa suspek at sa motibo ng krimen lalo pa at walang nawala sa mga gamit at koleksiyon ng biktima.