-- Advertisements --

Patay sa isang shootout ang isang taxi driver na umano’y nangholdap ng sakay na pasahero.

Ayon kay P/Lt. Jogelyn Galvez, hepe ng BGC Police Station, sinundan ng police mobile ang taxi na naplakahan ng pasahero at nahabol ito sa may bahagi ng C-5 Sampaguita flyover.

Namatay ang suspek matapos ito makipagputukan sa mga kapulisan.

Ayon sa mga pulis, hindi ito ang unang insidente ng taxi driver na nanghoholdap ng mga pasahero.

May mga natanggap na rin ang PNP ng mga ulat tungkol sa panghoholdap ng taxi driver sa Burgos Circle.

Kadalasan daw ay mga lasing na foreigner ang target ng mga suspek dahil “sentro ng gimikan” umano ang naturang lugar.

Narekober mula sa crime scene ang isang baril at ilang gamit kagaya ng pitaka, make-up, at bag.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang identity ng napatay na suspek.

Samantala, batay naman sa salaysay ng pasahero, sumakay siya sa taxi na may plate number na ABG 8774 sa may APFOVAI Subdivision sa Taguig para sunduin sana ang kaniyang kasintahan sa Bonifacio Global City (BGC).

Nang sumakay na ang biktima, dinaan daw ito ng taxi driver sa isang madilim na lugar tapos bigla na lang itong nangholdap.
Agad-agad binigay ng biktima ang kaniyang cellphone at wallet.

Dagdag pa niya, nakaamoy raw siya ng mabango sa loob ng taxi at biglang nakaramdam ng pagkahilo at sakit ng tiyan.

Nang ibaba siya ng suspek sa may bahagi ng Burgos Circle sa BGC, nakakita ito ng mga pulis at agad na humingi ng tulong.