Inihihirit ngayon ng ilang minority senators ang probisyon ng direktang tulong pinansyal para sa mga rice farmers sa bansa.
Kasabay na rin ito ng mga naglabasang ulat na mas lalo pang bumaba ng P12 kada kilo ang presyo ng palay bunsod ng COVID-19 pandemic.
Maaari raw kasing gamitin bilang cash aid o ayuda ang mga perang nakokolekta mula sa Rice Tarrification Law.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na kailangang siguraduhin na ang bawat taripa na nakokolekta mula sa mga importers ay napupunta bilang ayuda sa mga magsasaka para na rin makabawi ang mga ito sa kanilang lugi.
Batay naman sa datos na inilabas ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, aabot na ng P10.728 billion ang halaga ng tax na nakokolekta sa ilalim pa rin ng Rice Tarrification Law.
Nagbigay din ito ng suhestyon kung magkano man ang sobra mula sa P10 billion upang pondohan ang Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) ay pwede ring gamitin bilang ayuda.
Dagdag pa ni Hontiveros, dapat umanong suriin muli ang nasabing batas para makita kung talaga bang nakakatulong ito sa mga magsasaka ng bansa o mas lalo lamang itong nagpapahirap sa kasalukuyang lagay ng mga rice farmers.