-- Advertisements --

Inamin ng Department of Education (DepEd) na hindi pa rin magiging exempted sa buwis ang honoraria at allowance ng mga gurong magsisilbi para sa darating na eleksyon.

Ito ay matapos na mapagbigyan ng mga kinauukulan ang hiling ng kagawaran na dagdagan ang honoraria at allowance na matatanggap ng mga ito.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, umapela na ang kanilang kagawaran na alisin ang 20% na buwis sa election service honoraria nang sa ganon ay buo itong matatanggap ng mga guro.

Ngunit ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na hindi kasi nagawang amyendahan ng mga mambabatas ang mga probisyon sa kabila ng kanilang naging panawagan na gawing tax-free ang matatanggap na allowance ng mga gurong magsisilbi sa eleksyon, kahit na suportado pa ito ng Comelec.

Nakasaad kasi sa Internal Revenue Code ng bansa na lahat ng kita ay dapat na may buwis at tanging ang Department of Finance (DOF) ang dapat na nagrerekomenda nito.

Magugunita na una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na handang tulungan ng komisyon ang mga guro sa kanilang kahilingan para sa overtime pay ng mga ito sa araw ng eleksyon, gayundin sa hiling ng DepEd na gawing tax free ang kanilang honorarium.