-- Advertisements --

Ibinasura na ng Court of Tax Appeals ang kaso laban kay dating Filipino boxing champion Manny Pacquiao.

Nagbunsod ang kaso ng akusahan ng Bureau of Internal Revenue ang dating senador at asawa nitong si Jinkee ng hindi pagbabayad ng P2.2 bilyon na buwis mula 2008 hanggang 2009.

Iginiit ng 43-anyos na si Pacquiao na nagbayad na ito ng buwis sa US at hindi na dapat magbayad sa Pilipinas dahil sa may kasunduan ang dalawang bansa para maiwasan ang double taxation.

Sa 49 pahinang desisyon na walang nakitang anumang sapat na ebidensiya ang Court of Tax Appeals na hindi nagbayad ng buwis ang dating boxing champion.

Ibinaba ang desisyon noon pang Setyembre 29 subalit ito ay inilabas lamang nitong Biyernes.

Labis naman ang pasasalamat ng dating senador sa nasabing desisyon kung saan sinabi nito na mula sa pagsisimula ng kaniyang career ay tintiyak niyang nagbabayad ito ng mga buwis.

Nagpasalamat na lamang ito sa Maykapal dahil lumabas na rin aniya ang katotohanan.

Magugunitang nagretiro na sa boxing si Pacquiao noong nakaraang taon at tumakbo sa pagkapangulo.

Huling laban nito sa boxing ay noong Agosto 2021 ng matalo siya kay Yordenis Ugas ng Cuba.

Naghahanda na rin ito ng charity boxing match kay YouTuber DK Yoo ng Korea na gaganapin ang laban sa Disyembre.