-- Advertisements --

Pormal nang tinapos ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang tatlong araw na rally, ayon sa inanunsyo ng kanilang tagapagsalita ngayong Huwebes, Hulyo 2.

Sa isang video message, nagpasalamat ang tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala sa mga dumalo sa tatlong araw na pagtitipon, gayundin sa mga personalidad na nagpahayag ng suporta at sa mga pulis na nagbigay ng seguridad sa nasabing pagtitipon.

Ayon kay Zabala, naniniwala silang malinaw nilang naiparating ang kanilang mensahe sa mga kinauukulang opisyal. Umaasa rin aniya sila na mananaig ang katarungan sa bansa at hindi ang mga taong binabaluktot ang batas para sa pansariling kapakinabangan.

Idinagdag ni Zabala na dito na nagtatapos ang kanilang mapayapang rally at umaasa siyang makauuwi ang lahat nang ligtas at mapayapa, tulad ng kanilang pagdating.

Isinagawa ng religious sector ang unang dalawang araw ng protesta sa People Power Monument sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City. Inilipat naman ang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ngayong araw matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang permit para magsagawa ng rally sa naturang monumento.

Matatandaang nagsagawa ng biglaang rally ang INC sa People Power Monument noong Martes bilang pagpapahayag ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta, na nahaharap sa nakaambang kasong plunder na inihahanda ng Office of the Ombudsman.

Kinondena ng religious sector ang tinawag nilang “selective justice” o piling pagpapatupad ng hustisya at “distortion of law” o pagbabaluktot sa batas kaugnay ng kaso ni Marcoleta. Nag-ugat ito sa hindi umano niya pagdedeklara ng 75 milyong pisong campaign contributions na natanggap mula sa tatlong donor, kabilang ang dating kongresistang si Mike Defensor.

Samantala, sinabi ni Manila Police District spokesperson PMaj. Philipp Ines na umabot sa 82,00 ang peak ng bilang ng mga raliyistang dumalo sa ikatlo at huling araw ng rally sa Liwasang Bonifacio, batay sa tala kaninang alas-8:00 ng gabi.

Naging mapayapa naman aniya sa pangkalahatan ang huling araw ng rally ng INC.