Magkakaroon ng panibagong kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ngayong Biyernes, Hulyo 10, 2026, ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sa kaniyang programa na Yorme’s Talk to the People nitong Huwebes, sinabi ni Mayor Isko na may nakatakdang rally sa naturang lugar at naghahanda na ang pamahalaang lungsod para rito.
Ayon sa alkalde, umaasa siyang magiging maayos at mapayapa ang magiging takbo ng protesta, katulad ng naging resulta ng naunang kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo sa Liwasang Bonifacio noong Hulyo 2.
Matatandaang nagsagawa ng pagkilos ang INC matapos hindi makakuha ng pahintulot na ituloy ang ikatlong araw sana ng kanilang protesta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City na nagsimula noong Hunyo 30.
Samantala, hindi naman binanggit ni Mayor Isko kung anong grupo ang magsasagawa ng bagong rally.
Pinaniniwalaan naman ang United People’s Initiative (UPI) umano ang nasa likod ng tinatawag na Interfaith Rally Against Corruption.
Nakatakdang idaos ang naturang pagkilos mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi sa Liwasang Bonifacio.
















