-- Advertisements --

Magpapatuloy ang kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila sa Huwebes, Hulyo 2, matapos bawiin ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ang extension ng permit para sa kanilang pagtitipon sa EDSA-White Plains.

Matapos ang ikinasang programa ngayong Miyerkules dakong alas-8:00 ng gabi alinsunod sa naunang permit na ibinigay ng Quezon City government.

Bago umalis, hinikayat din ang mga kalahok na linisin ang lugar at dalhin ang kanilang mga basura.

Inihayag ng isang ministro ng INC na ililipat ang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila dahil hindi na kailangan ng permit upang magsagawa ng programa sa naturang lugar.

Aniya, layunin ng paglipat na maipagpatuloy ang paggamit ng kanilang karapatang magpahayag.

Bilang paghahanda, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Anthony Aberin na magpapakalat sila ng paunang 1,000 pulis sa Liwasang Bonifacio upang tiyakin ang seguridad ng mga kalahok at ng publiko.

Dagdag pa niya, maaari pang madagdagan ang bilang ng mga pulis depende sa dami ng mga dadalo sa protesta.

Humingi rin ang NCRPO ng karagdagang puwersa mula sa iba pang unit ng pulisya at nakahanda ring maglagay ng mas maraming CCTV cameras sa paligid ng lugar.

Nananatili rin aniya sa full alert status ang kapulisan, kabilang ang mga naka-deploy sa paligid ng Malacañang.