Hindi ikinababahala ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang gagawing kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa lungsod ngayong Hulyo 2, 2026.
Naging maayos at mapayapa naman daw ang unang araw ng pagtitipon ng INC sa Liwasang Bonifacio, kung saan naglagay pa ng LED screen ang mga organizer para sa kanilang programa.
Marami sa mga dumalo ay mula sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
“Kapag Iglesia Ni Cristo (INC) ang nagra-rally, wala akong kakaba-kaba,” ani Domagoso.
Habang nanatili naman sa Freedom Park ang ilang grupo ng mga kalahok simula kahapon, kabilang ang mga nagmula sa unang Distrito ng Batangas, na nagtayo ng mga tent.
Ayon sa alkalde, walang naitalang anumang kaguluhan sa magdamag.
“Mapayapa sila kahapon eh, doon sila sa Freedom Park. Okay naman. Wala naman,” dagdag pa niya.
Bandang alas-10:00 ng umaga kahapon, may ilang raliyista na ang sumakay ng mga bus patungong EDSA upang makiisa sa iba pang aktibidad doon, habang may maliit na bilang pa rin na nananatili sa Liwasang Bonifacio.
Ipinaliwanag din ni Domagoso na hindi kailangan ng permit para sa mga pagtitipon sa Freedom Park, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Aniya, ipinatutupad ng pamahalaang lungsod ang polisiya ng maximum tolerance sa lahat ng grupong nagsasagawa ng mapayapang protesta, habang mahigpit na binabantayan ang mga pangunahing lansangan upang maiwasan ang pagpasok sa mga restricted area tulad ng Mendiola at Malacañang.
Gayunpaman, inamin ng alkalde na nakaapekto sa daloy ng trapiko ang paggalaw ng mga raliyista sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila, kabilang ang Recto Avenue, Morayta, at España Boulevard.















