Hinimok ni Task Force Balik Loob chairman, Defense Undersecretary Reynaldo Mapagu ang mga miyembro ng mga komunistang grupo na samantalahin na ang pagkakataon para sumuko sa pamahalaan.
Ang panawagan ay ginawa ng opisyal kasunod ng pagkakanutralisa sa matataas na pinuno ng New People’s Army (NPA) at Dawlah Islamiyah (DI) sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa Mindanao noong nakaraang linggo.
Ayon kay Usec Mapagu, ang pagkamatay ni NPA leader Jorge ‘Ka Oris’ Madlos at ng ’emir’ ng Dawlah Islamiyah na si Salahuddin Hassan, ay magiging simula raw ng pagkakawatak-watak ng kanilang mga grupo.
Ngayon na aniya ang magandang pagkakataon para sa kanilang mga miyembro na tanggapin na ang alok ng gobyernong tulong para sa kanilang pagsuko.
Hindi aniya katulad daw ng pangako ng kanilang mga lider na walang saysay, ang pangakong tulong pinansyal at pangkabuhayan ng gobyerno ay totoong naibigay sa libo-libo nang unang nagbalik-loob.
Sinabi ni Mapagu na mas mabuti na para sa mga kalaban ng gobyerno na sumuko at mamuhay ng matahimik sa piling ng kanilang pamilya, kaysa sa mangyari sa kanila ang sinapit ng kanilang mga namayapa nang mga pinuno.