Nagpasalamat si House Speaker Lord Allan Velasco sa mga kasamahan niya sa Kamara kasunod ng pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng proposed Single-Use Plastic Products Regulation Bill.
Sinabi ni Velasco na ngayon na ang tamang panahon para magpasa ng isang batas na magre-regulate sa production, importation, sale, distribution, provision, use, recovery, collection, recycling at disposal ng mga single-use plastic products.
Sa ngayon kasi ay isa ang Pilipinas sa limang bansa sa mundo na malakas gumamit ng single-use plastic products na nagdudulot ng polusyon sa mga karagatan.
Kaya nga marapat lamang na simulan na rin ng bansa ang pagbabawal sa paggamit at pagkalat ng mga plastics para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Kahapon, inaprubahan ng Kamara sa third at final reading ang House Bill 9147 para sa gradual phase out ng single-use plastics.
Kapag maging ganap na batas, ifi-phase out sa loob ng isang taon ang mga non-compostable single-use plastic products tulad ng drinking straws; stirrers; sticks para sa mga kendi, balloon at cotton buds; buntings; confetti; at packaging o bags na ang kapal ay hindi aabot ng 10 microns.
Pero ang mga plate at saucers; cups, bowls at lids; cutlery tulad ng mga kutsara, tinidor, kutsilyo at chopsticks; food at beverage containers na gawa sa expanded polystyrene; oxo-degradable plastics; film wrap, packaging o bags na hindi aabot sa 50 microns ang kapal; at multilayerd sachets at pouches ay ifi-phase out naman sa loob ng apat na taon.