-- Advertisements --

TALISAY CITY CEBU MAYOR GULLAS, PANGWALONG LOCAL CHIEF EXECUTIVE SA CEBU NA NAGPOSITIBO SA COVID-19

Talisay City, Cebu -Isinailalim na sa quarantine si Talisay City Mayor Gerald Anthony “Samsam” Gullas matapos lumabas ang resulta ng swab test nito na nagpositibo ito sa coronavirus disease 2019(COVID-19).

Siya na ang ikawalong local chief executive sa Cebu na nahawaan ng virus.

Sa inilabas na statement ng alkalde ngayong araw, nagsimula pa umano itong nakaranas ng sintomas ng nasabing virus kahapon, Pebrero 9 kabilang na ang sore throat, pananakit ng katawan at ubo.

Dahil dito, agad sumailalim ang alkalde sa swab test at positibo ito sa COVID-19 sa inilabas na resulta ngayong araw.

Maliban pa sa alkalde, hiwalay namang isinailalim sa quarantine ang pamilya nito.

Samantala, tiniyak pa ni Gullas na magpapatuloy pa rin ang serbisyo ng city government sa kabila ng kanyang pagliban.

Humingi din ito ng mga dasal para sa kanyang tuluyang paggaling.