-- Advertisements --

Pansamantalang tatanggalin ng mga local carriers sa bansa ang take-off, landing at parking fees alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa malaking epekto ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19) sa turismo ng Pilipinas.

Sa isang punong-balitaan, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) Gen. Manager Ed Monreal, ang hakbang na ito ay para makatulong sa industriya ng turismo at gastusin ng mga local carriers.

Layunin din umano nito na hikayatin ang mga turista na patuloy na mamasyal sa bansa sa kabila ng banta ng coronavirus.

Sisimulan ang suspensyon ng mga bayarin ng mga local carriers ngayong araw at maaaring magtagal hangga’t mainit pa ang usapin hinggil sa COVID-19.

Nilinaw din ni Monreal na deferement lamang ito na babayaran sa take off, landing at parking fee at hindi ito discount.

Base sa estimation ni Monreal, aabot ng halos P58-M ang binabayarang airport fees ng Ninoy Aquino International Airport. Kasama na rito ang landing, take off, parking at taxing fees.

Ayon naman kay Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Jim Sydiongco na bumagsak sa 20-30% o 476,000 ang bilang ng mga pasaherong pumapasok sa bansa ngayong taon dahil sa coronavirus outbreak.

Nagsimula umano ito nang magpatupad ng travel ban ang Pilipinas para sa mga turistang manggagaling sa China, Hong Kong, Macau, at Cheongdo province sa South Korea.

Habang nagpatupad na rin ng travel restriction laban sa Pilipinas ang ilang bansa tulad ng Qatar, Kuwait, Saudi Arabia, Cook Islands, Israel at Palestine.