Niyanig ang Taiwan ng malakas na magnitude 7.5 na lindol nitong umaga ng Miyerkules.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, tumama ang 7.5 magnitude na lindol malapit sa Taiwan bago mag-alas-nuwebe ng umaga, oras sa Japan.
Base naman sa United States Geological Survey (USGS), ang episentro ng lindol ay 18 kilometers timog ng Hualien city sa Taiwan na may lalim na 34.8 km.
Kaugnay nito, nag-isyu na ang karatig na bansa ng Taiwan ng tsunami warning kabilang ang Japan at Pilipinas.
Pinayuhan ng Japan Meteorological Agency ang mga residente na naninirahan sa mga lugar sa Okinawa Island, Miyakojima Island at Yaeyama Island na agad lumikas at ibinabala ang malalaking alon na umaabot sa 3 metro ang taas.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad ang naitalang pinsala sa mga struktura at kung mayroong mga naitalang casualties sa malakas na pagyanig.
Samantala, dito naman sa Pilipinas itinaas na rin ng PHIVOLCS ang tsunami warning sa mga coastal area na nakaharap sa Pacific ocean kabilang ang Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte at Isabela matapos ang tumamang lindol.