Nagsimula nang makatanggap ngayong Huwebes ng P4,000 na tulong pinansiyal ang mga drayber ng traysikel, jeep, at pedicab ng Taguig bilang tugon pamahalaang sa epekto ng kuwarantenas dulot ng COVID-19.
Sa unang pagbibigay na isinagawa sa halos 700 kasapi ng SUBTODAI, UBTODAI, BCBTTODA, UBTSA and MPC, at CBDCUBTODA ang nakatanggap na ng kanilang P4,000 tulong pinansiyal.
Ginawa ang distribusyon ng bawat batch at mahigpit na nagpatupad ng social distancing upang masiguro ang kaligtasan ng mga driver.
Ang natitirang miyembro ay inaasahang matatatanggap ang kanilang P4,000 sa susunod na mga araw.
Mahigit sa 15,000 miyembro ng mga asosasyon ng tricycle operator at driver, jeepney operators and drivers (JODA) at pedicab operators and drivers (PODA) ang tatatanggap ng ayudang ito mula sa pamahalaang lungsod.
Sa susunod na buwan, mamimigay uli ng karagdagang P4,000.
Inaasahang makasasapat ang halagang ito sa mga pangunahing gastusin ng pamilya sa gitna ng pandemic na COVID-19.
Hiwalay na tulong ito sa food packs na nauna nang ipinamahagi ng lungsod ng Taguig.
“Laking pasalamat namin tulong na ito mula sa Taguig City government. Malaking bagay dahil hindi lang isang buwan kundi dalawang buwan matutulungan kami at an gaming mga pamilya,” saad ni Arvin Penolio, presidente ng UBTODAI.
Ayon kay Penolio, tanggap niya kung bakit pinagbabawal muna ang pamamasada dahil sa enhanced community quarantine.
“Ito ay para maging ligtas kami at ang pamilya namin sa sakit,” dagdag pa niya.
Bukod sa tulong na pinansiyal, tumutulong din ang transport sector sa pagdisinfect ng mga pamayanang sakop ng kanilang ruta, gamit ang sprayers na ibinigay ng pamahalaang lungsod.
“Isang pamilya tayo dito sa Taguig. Kaya naman tulong-tulong lahat upang malagpasan ang ganitong pagsubok,” sambit pa ni Penolio.
Ang ayudang ito para sa transport sector ay isa lamang sa mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Taguig upang makapag-abot ng tulong sa mga residente sa panahon ng enhanced community quarantine.
Nakapagbigay na rin ang lungsod ng mga stay-at-home family food packs at ng anti-COVID 19 kits sa komunidad.
Nitong Abril 1, 2020, ang pamahaalang lungsod ay nakapamahagi na ng 104,612 stay-at-home family food packs sa mga pamilyang Taguigeños.
Ang mga food packs na ito ay naglalaman ng bigas, mga delata, noodles, kape, cereal drink, at tubig na pwedeng mainom.
Ang food packs ay sapat sa 3-4 na araw sa pamilyang may 5 miyembro.
Naipamahagi ng Lungsod Taguig ang 54,904 anti-COVID 19 kits sa mga senior citizens, mga PWDs, at ang mga taong mahina sa sakit.
Ang kit ay naglalaman ng mga bitaminang aabot hanggang sa 30 na araw, masks, mga antibacterial na sabon, at mga materyales na naglalaman ng impormasyon sa tamang pag-hugas ng kamay, paano mag-linis ng kanilang tahanan at kapaligiran, at iba pang mahahalagang impormasyon na kailangan malaman ukol sa sakit na COVID-19.