-- Advertisements --

Nagbabala si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa kaniyang mga nasasakupan na posibleng isailalim sa lockdown ang naturang lungsod dahil sa sunod-sunod umano na kaso ng paglabas sa health protocols.

Saad ng alkalde, ginagawa nila ang lahat upang maging ligtas ang Taguig para sa mga negosyo at maging sa publiko dahil napanatili nitong mababa ang naitatalang kaso ng deadly virus sa lugar.

Subalit nauwi raw sa pagpapabaya ng mga Taguig ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan para mapababa ang kaso ng COVID-19 .

May mga natatanggap daw kasing reports ang tanggapan ni Cayetano tungkol sa mga residente na nagsasagawa ng mass gatherings at nagbubukas na mga bars kahit na ipinagbabawal ito.

Unang naitala ang pagtaas ng kaso ng deadly virus sa Barangay Fort Bonifacio kung saan nagkaroon ng 300 kaso sa loob ng isang linggo. Buti na lamang daw ay kaagad na-kontrol ang pagkalat ng virus at lahat ng dinapuan ng sakit ay gumaling.

Ipinagmalaki naman ni Cayetano na sa buong populasyon ng National Capital Region ay Taguig ang may pinakamababang active cases.

Mayroon lamang pitong kaso bawat 100,000 populasyon kumpara sa buong Metro Manila na may 22 kaso bawat 100,000 popuslasyon.

Aminado naman ito na posibleng mas malaking problema pa ang harapin ng lungsod kung magpapatuloy ang pagpapabaya ng mga residente.

Hindi raw malayo na magpatupad ito ng lockdown sa lungsod para hindi na lumalala pa ang sitwasyon.